Thursday, 12 January 2012

BEAST






Bumalik ako sa pangalawang pagkakataon sa abroad matapos yung first contract ko sa ibang company.  Ngayon masasabi ko na wala na hindi na ako nahohome sick.  Wala nang iyak iyak sa gabi.  Wala na ring emo mode bago matulog.  

Ibang iba ngayon ang environment.  Super laki ng company na to kumpara sa dati kong pinagtrabahuhan.  Benefits mas ok na ok.  Friendly rin ang mga pinoy, pero as usual ako nanaman ang pinakabata ( 24 years old ako ng panahong ito ) sa department namin.  Sa department namin halos puro mga lalaki ang nakakasama ko sa trabaho.  Kaya nga hindi ako nahirapan makipagkaibigan kasi madalas talaga, mas nagiging ka close ko ang mga lalaki kesa sa mga babae.  Masarap may tawaging kuya kasi wala akong kuya.  Masaya sila kasama, makwela unlike sa mga babae puro kaartehan. 

Meron akong coach/teacher nun na naging kagaanan ko ng loob.  At bestfriend nya si BEAST.  Si Beast ang tinatawag ng lahat na tatay, di dahil sa matanda na sya.. 30 something pa lang naman sya kundi dahil sa kanya pinagkakatiwala ng mga foreign supervisors and managers ang maraming bagay.  Magaling kasi sya mag Mandarin, sabi nila self study lang daw sya kahit yung intonation kuhang kuha nya.  DI tulad ko barok mag Mandarin.  Ilang beses ako pinakilala sa kanya ng coach ko pero never sya ngumiti sa akin at never nya ako tinignan.  Na curious ako kasi yung iba sobrang accomodating, sya ganun lang.. ang yabang naman ng kumag na to.. sa isip isip ko lang.

Hanggang sa isang gabi, habang ako’y umiiyak sa pagbabasa ng novel na The Time Traveler’s Wife, may tumawag sa akin na unknown number.  Akala ko naman kung sino baka overseas or tawag galing sa parents ko sa Pinas yun pala eh si Beast lang.  Dun ko sya nakakwentuhan ng matagal.  Siguro may apat na oras din yun.  Nalaman ko na may asawa na sya at isang anak na lalaki na limang taong gulang na.  Na nine years na pala sya sa company na yun at ang aga nya nagtrabaho abroad at the age of 22.  Hindi daw sya suplado, ayaw lang daw nya na tuksuhin sya kasi alam daw ng lahat ng crush nya ako.  Di ako nagsalita.  Iniba ko usapan at sabi ko inaantok na ako.   Gusto lang daw nya makipagkaibigan.  Nung una daw nya akong nakita sa pantry, kinabahan daw sya di daw nya alam kung bakit.  Naisip ko lang, di naman ako multo o aswang para kabahan sya ng ganun nung nakita ako o baka sobra lang din sya sa kape.

Lumipas ang mga linggo di ko napapansin na gumaan na ang loob ko sa kanya.  Matindi ang sense of humor ng taong to at talaga naman na masaya sya kasama.  Magaling pa magluto.  Hanggang sa tuluyan na palang nahulog ang loob ko sa kanya.  Oo naging kabit ako, at di ko yun pinagmamalaki.  Kung gusto mo akong murahin o kaya isara ang window ng blog na ito malaya kang magagawa ang mga iyon.  Pero kung nacucurious ka at kung gusto mong malaman kung anu ang kinahinatnan, ituloy mo lang ang pagbabasa.  Pero tulad ng sinabi ko hindi ako proud na naging other woman ako.

Bago ko pinasok ang sitwasyon na ito, ito ang logic na nasa utak ko.  “ Ilang binata na ang nang gago sa akin, pinagpalit ako sa iba, inabuso ako verbally at physically, ilang drum na ng luha ang naiyak ko dahil sa kanila, cellphone na nabasag at relasyon na nauwi sa wala.  Hindi ako maiinlove,  gusto ko lang maranasan na ako yung nang gagago, na ako yung may nasasaktan na iba, na ako yung nang agaw at hindi ako yung inagawan. Hindi ako kailan man maiinlove sa kanya. “

So pumayag ako sa ganung sitwasyon, ok naman ang lahat.  Nakakaexcite.  Masaya ako dahil alam ko na wala syang iba kasi ako yung iba nya.  Sa relasyon namin, never sya nagkulang sa pangangailangan ng pamilya nya.  Nagbabakasyon pa sya every year para sa kanila.  Wala naman akong balak na agawin sya, na sirain ang pamilya nya, na kuhanin ang tatay ng isang batang lalaki.  Magulo ang isip ko pero masaya ko.  Hindi ako naging masaya sa piling ng kahit na sino sa mga binata kong naging boyfriend.  Kinakabahan ako kasi alam ko kahit I deny ko nahulog na ako sa bitag na ako mismo ang gumawa.  May mga panahon na ayoko na, iniisip ko rin ang sarili ko at ang iisipin ng ibang tao kasi hindi naman ako ganun pinalaki ng mga magulang ko.  Kaso di ko na kayang kumawala.  Masyado ko na syang mahal, alam ko mahal nya rin ako.  Nararamdaman ko yun.  Kahit tignan nya lang ako, alam ko sa mga mata nya sinasabi kung gaano nya ako kamahal.

Dumating ang panahon na sya na ang gustong bumitaw.  Di dahil sa hindi nya na ako mahal, kundi dahil mahal na mahal nya ako.  Di nya maibibigay ang buhay na nararapat para sa akin.  Yung kaya akong mahalin at ibigay lahat lahat ng buong buo tulad ng binibigay ko sa kanya.  Pumayag ako kahit napakasakit sa akin at alam ko doble ang sakit sa kanya.  Sinubukan ko, sinubukan namin, pero hindi ko kaya at hindi rin nya kaya.  Kaya kong intindihin lahat lahat, hindi ako needy, hindi ako nag demand ng kahit anu mula sa kanya.  Sapat na sa kin na nandyan sa tabi ko palagi.  Na pagagalitan ako kapag nag asal bata ako.  Yun ang kaibahan nya sa lahat, kayang kaya nya ako pagbawalan.  Hinding hindi nya kinunsinti ang katigasan ng ulo ko.  Ako ang takot sa kanya.  Di tulad ng mga ex ko, kinunsinti ako, masyado akong kampante kasi alam ko takot sila sa akin yun pla, niloloko na ako ng patalikod.  

Wala ng iba pang sasaya pag kasama ko sya.  Para sa akin bawat minuto mahalaga.. kasi alam ko darating ang panahon na mawawala sya sa akin.  At ang masakit, wala akong karapatan para pigilan iyon.

Labing pitong bwan, dalawang pasko at bagong taon ang aming pinagsamahan.  Dumating ang March 2011, ayoko isipin pero alam ko na kailangan kong harapin at tanggapin.  Binigay na ang schedule ng uwi nya ng April.  Tapos na kasi ang contract nya.  Di naman kasi open contract sa bansa na pinagtratrabahuhan namin.  Pwede naman mag renew pero usapan kasi nila ng asawa nya na last na nyang contract yun.  Di ako umiyak, kasi para sa kin matagal pa, matagal pa isang bwan ko pa syang makakasama.  Di nya pinakita sa kin yung pag ayos nya ng mga gamit nya pakonti konti na nya kasing pinapadala sa Pinas ang mga gamit nya.  Nagulat na lang ako minsan na halos wala na pala syang naiwan na gamit, na iilan na lang ang gamit nya na naiwan, bumili sya ng mga pasalubong na di ako kasama.  Sabi nya kasi ayaw daw nya na makita ko na aalis na sya.  Dun na ako nagsimulang umiyak gabi gabi.  Iniisip ko na paano na ako pag wala sya.  Paano na ang routine ko araw araw.  Paano na ako? Wala na akong sandalan.

to my beautiful beauty

sana, kahit ano decision, gawin mo, pag isipan mo muna ng maraming beses.. ingat ka lagi lagi
mahalin mo parents mo, your sisters and most of all, ang iyong sarili...
kalimutan mo na lahat, wag lang yung pagmamahalan natin, kahit magkaroon ka na ng sarili mong family...
wag sayangin ang time, talino at ganda, kasi dito nakasalalay ang dreams mo

masarap kang magmahal, kaya wag mag alala, may ibibigay sayo si God na talagang sa yo "hindi man ako yun"

pasalamat tayo kasi binigyan tayo ng chance na makilala at mahalin ang isa't isa..
at masaya ako dun.. sa maling time nga lang..
Sorry di kita nahintay.. paulit ulit ko mang pigilan ang time wala na ko magawa

Pauwi na ako, sinasabi ko tong mga bagay na to kasi gusto ko na maging ready, strong and malakas loob mo kahit umuwi na ako...

Pagmamahal ko ang iiwan ko at pagmamahal mo ang babaunin ko...

mahal na maha kita... palagi


… Yan ang text nya na hanggang ngayon di ko pa rin kayang burahin sa cellphone ko.  Nung nabasa ko yan, iyak ako ng iyak.  Naramdaman ko na malapit na… malapit nanaman ako maiwan mag isa.  Pero alam ko at ramdam ko na hindi nya gusto na iwan ako kaso iyon ang dapat at wala akong magagawa.  Mahal nya pamilya nya.  Mahal nya asawa at ang anak nya.  Pero alam ko mahal nya rin ako.  At minahal ko sya ng buong buo.

April 2, 2011  Araw ng kanyang pag alis.  Araw na kinakatakutan ko.  Araw nang aking pagkatalo.  Umalis sya ng lumuluha.  Umalis sya na hawak nya ang pagmamahal ko na hanggang ngayon hindi ko pa rin nababawi ng tuluyan sa kanya.  Nung umalis sya, tatlong araw akong di nakapasok sa trabaho.  Iyak ako ng iyak.  Para akong namatayan, kasi kahit buhay sya para rin syang patay kasi hindi ko sya pwedeng tawagan para kamustahin man lang.  Sabi nga nila, sumugal ako sa laro na kahit alam ko sa umpisa pa lang talo na ako.  Tama sila, nagpakatanga ako kasi nagmahal ako ng lalaking may asawa.  Ang sakit na naranmdaman ko ng mga panahong yun ay sampung beses sa sakit na nalaman ko na niloloko ako ng mga naging ex ko.  Kasi di ako pwedeng magalit sa kanya, wala akong pwedeng isumbat kasi wala naman syang tinago sa akin.




Ilang bwan ang lumipas mula ng pangatlong tawag nya.  Masasabi ko na kahit papano pinga aaralan ko pa rin ang pag move on.  Pero walang gabi na hindi sya kasama sa pagdarasal ko pati na rin ang kanyang asawa at anak.  Walang araw na naisip ko kung ano ginawa nya maghapon.  Alam ko na di ako dapat mag alala sa kanya kasi kasama nya pamilya nya, napapaisip na sana naiisip nya rin ako,kahit isang segundo lang sa isang araw.


 Tumwag sya para sabihin sa akin na pinayagan na sya bumalik ng asawa nya.  Masaya ako kasi alam ko na  gusto nya talaga yun at syempre makakasama ko ulit sya.  Pero naisip ko, eto nanaman talo nanaman ako.  Ayan nanaman yung bitag na alam ko sa sarili ko na di ako  sigurado kung di nanaman ako malalaglag.  Nag isip ako.  Eto ba ang buhay na ginusto ko para sa akin?  Na hindi permanente at kung maging permanente man may mga taong magdurusa para lang sa kaligayahan ko.  Pero mahal ko pa rin sya.  Kung gaano katindi ang pagmamahal ko sa kanya nung umalis sya, walang nabawas.  Walang nabago.

Kaya nagdesisyon ako.  Ako na ang lalayo bago ko pa man ulit sya Makita at umiyak sa yakap nya.  Lumayo ako.  Umuwi ako ng Pilipinas at alam ko na tama itong ginawa ko kahit masakit para sa akin.  Di ko tinapos ang contract ko at umuwi.  Umaasang makakalimutan ko sya dito.  Naging matapang ako, para sa sarili ko at para na rin sa kanya.  Masasabi ko na malaking bagay ang ginawa kong ito para sa sarili ko.  Mahal ko ang sarili ko at walang ibang tutulong sa akin kundi ako lang din.  Isang bwan na mula ng umuwi ako dito.  Di ko pa rin sya nakakalimutan pêro alam ko darating ang panahon na isang araw, wala na ang sakit, wala na ang pagmamahal.  At sana sa tamang panahon, ibibigay ng Diyos ang taong nararapat at deserving sa pagmamahal na ibibigay ko. 




No comments:

Post a Comment